Saturday, February 20, 2010

PARA KAY NANAY ( Ode to my Mom)

Hindi biro ang mag dala ng bata sa sinapupunan ng siyam na buwan..
Inalagaan ko ang aking sarili sapagkat sa akin nakasalalay ang buhay mo.
Makalipas ang mga buwan, malalagay ang isang paa ko sa hukay
Darating na ang araw na ang sanggol na iniingatan, IKAW yun, ay akin nang iluluwal.

Aarugain KITA sa lahat ng aking makakaya at sa lahat ng aking lakas
Hindi ko alintana ang dibdib na papangit sapagkat alam kong kelangan MO ng gatas ng ina
Ang gabi-gabing pagpupuyat sa paghehele, pagkanta, pagsayaw, minsan paghahalu-haluin ko pa
Minsan din yukyuk na ulo sa antok kasi ayaw naman ayaw MO pang matulog..

Ang panandalian nating paghihiwalay dahil sa ako’y nasa trabaho ay malaking bigat sa dibdib ko
Mahirap mawalay kahit sandali dahil hindi ko makikita ang iyong mumunting pagtawa, ang pag ngiti mo,
Pag uwi ko, gusto ko’y kalong ka agad, akap, titignan ang mukhang nakakapalis ng pagod
Hahagudin ang iyong pisnging kay lambot, matang kay lamlam.. gutom ko ay akin nang limot..

Sa mga panahon na ikaw ay may sakit, nais koy umiyak at akuin ang iyong nararamdaman
Hindi bale ng ako na lang, wag lang ikaw. Hindi ko kayang makita kang nahihirapan.
Babantayan kita sa iyong pagtulog. Hindi bale ng ako’y mapuyat
Gusto ko lamang ay ligtas ka, makakatulog ka ng tahimik at sapat.

Sa iyong paglaki, madami ka nang makakasalamuha, makikita, maririnig, malalaman.
Tangi ko lamang dasal, gabayan ka ng Diyos araw-araw, ika’y ingatan at huwag kang masaktan
Hindi mo man nais na nandiyan ako lagi sa iyong tabi sapagkat sabi mo ay MALAKI KA NA
Dala-dala mo ang puso ko, ang pag-aalala sa tuwing aalis ka, lalabas, kasama ang iba.

Sa bawat dagok na darating sa iyong buhay, bukod sa iyo, ako ang mas masasaktan
Sapagkat ikaw ay galing sa akin, laman ng aking laman, nabuo ka sa aking pagmamahal
Sa bawat agos ng luha sa iyong malamlam na mata ay parang tinatarakan ang puso ko
Hindi ko kayang makita na ikaw na iningatan ko ay paiiyakin lamang ng iba.

Ang pag-aaral mo ay igagapang ko. Maghirap man ako ay magtatapos ka sa kolehiyo.
Lahat ng pinagpapaguran ko ay para sa iyo, para sa kinabukasan mo.
Nais kong bago ako lumisan sa mundong ito, mapanatag ang loob ko
Na ang anak na iiwan ko, makakatayo sa sariling paa, may mapapatunayan sa tao.


Hindi mo man sabihin palagi na mahal mo ako, sapat ng minsan ay inaakap mo ako
Hindi mo man maalala ang regalo ko sa kaarawan ko, sapat ng sa aking batiin mo ako.
Hindi mo man ako alagaan sa panahon na ako ay may karamdaman, sapat ng bilhan ako ng gamot.
Hindi mo man ako tulungan sa gawaing bahay, sapat ng makita kitang huwag napapagod.

Huwag nating isantabi lamang ang ating INA.
Iba ang papel na ginagampanan niya sa buhay natin
Magagalit ang mundo, ang lahat ng tao sa ginawa mo
ANG INA ang matitirang kakampi mo, nandiyan sa tabi mo.

Habang nandiyan, habang nabubuhay pa, iparadam mo sa kanya
Mahalin mo siya at magpasalamat ka
Kung hindi ka niya inaruga at iningatan
Makikita mo ba ngayon ang mundong iyong ginagalawan?

Ganyan ang pagmamahal ng isang ina..
Wag kang maging bulag, pipi, at bingi sa paghihirap nya.
Balang araw kukunin siya ng Diyos at ilalayo sa iyo
Tanong: HANDA KA BANG WALA SIYA SA PILING MO?

Ako ay isang Ina..
Pumanaw naman na ang aking INA.
Hindi man sabihin, ang pagmamahal ko sa aking mga anak
Isang patunay na naging mabuti siyang Ina at napakagandang halimbawa.

Para sa iyo ito Nanay, Gng. TERESITA DALERE-MANABAT.
Isang mabait at matiising asawa, isang masipag at dedikadong guro,
Higit sa lahat
Isang napakabuting Ina...

No comments:

Post a Comment