Hindi isang biro ang maiwan, mang-iwan, iwanan
Ganun din ang lumisan, paglisan, at nilisan.
May dalang sakit ang paghihiwalay, may pilat na maiiwan
Subalit, hindi man natin ninais, ito ay magaganap, ginaganap, o naganap.
Sa loob ng mahabang taon ng pagsasama, sa lungkot man o ligaya
Nandiyan ang bawat isa, umaalalay, nagtutulungan, kaagapay.
Datapuwat may panahon ding nalilimutang magkaibigan, bagkus nagiging magka-away
Subalit ito’y panandalian lamang, muling mangingibabaw, pagmamahal sa bawat isa.
Minsan, gustuhin mo mang lumisan, may mga bagay na tinitignan
Mahirap iwanan ang samahan, masakit isipin hindi ka na kasama sa halakhakan.
Mga dalahin at dagok sa buhay na minsa’y tayo ay ginugupo, nilulugmok
Napapawi ang bigat sapayo ng kaibigan na mahal kang lubos.
Ngunit, minsan kahipat ayaw mo mang iwan ang mga kaibigan, ninanais mo ding lumisan
Maghahanap ng panibagong pakikipagsapalaran
Kapag nararamdaman nang hubad ang puso sa kasabikan
Mahirap dayain ang kalooban, sapagkat hindi nababayadan ang kaligahayan.
Sa panahon ng pag-iisip, pagmumuni-muni, at paninimbang
Ano nga ba ang dapat mangibabaw?
Iisipin mo pa ba ang mga bagay na iyong maiiwan,
O mas iisipin mo, na sa iyong paghahanap ng kapalaran eh ano naman ang iyong daratnan.
Sa ngayon na kayraming walang pinagkakakitaan, hindi ka ba magiging praktikal?
Oportunidad na yan, bakit mo iiwan at aalisan?
Salapi nga ba, mas mataas na bayaran o personal ang iyong dahilan?
O prinsipyo na hindi kayang tumabasan ng ano mang halaga at anumang katwiran?
May mga taong ang nais ay pumuna ng mali ng iba
Hindi muna tignan dumi sa kanilang mukha at ang mga muta sa kanilang mata.
Ika nga eh, sino mang walang kasalanan ay siyang unang bumato
Ngayon kaibigan, adobe ba ang dala mo?
Tutuo nga din na sa dinami dami ng ginawa mong tama
Pag nagkamali, matatanggap mo’y sandamukal na alipusta.
Kapag ikaw naman ay namumunga sa ganda ng iyong ginagawa
Pipilitin kang ibagsak, hihilahin ka pababa.
Tao lamang daw sila, yan ang kanilang rason
Tao din naman ako, yan naman ang aking tugon.
Hindi ba’t kapag maayos ang iyong nakikita, purihin at batiin naman ang iyong kasama
Huwag gawan ng kwento, hanapan ng kahinaan, at siraan sa tao.
Matuwa ka naman sa mga taong kaakibat mo sa pagtratrabaho
Dahil kasama sila sa bumubuo ng isang establisyimento.
Adhikain mo sa kumpanya, ganun din naman sila
Gusto mo nga lang, walang ibang magaling kundi ikaw na mag-isa.
Iba-iba ang kwento ng tao, may nakakatuwa, may nakakatawa.
Meron din namang nakakainis, nakakauyam, at nakakasawa.
Ito ang buhay, laging may mga panira, sinisira, nasira
Kaya naman may mga taong aalis, umaalis, at umalis na.
Sa bawat desisyon, laging may apektado
Natural, hindi naman lahat binibigay sa tao.
Sa pagpili mo, meron kang maisasakripisyo,
Ang tanong, handa ka ba dito?
Sa bandang huli mahal kong kaibigan
Sarili mo pa din dapat mong pakinggan.
Marami kang payong maririnig, malalaman
Subalit ang maghahari pa din sarili mong kagustuhan.
Kagustuhang binase sa mga nakikita at nagaganap
Sa mga nararamdaman, bulungan, at usapan.
Huwag mong hayaang madiktahan ng iba,
Sa ganitong panahon, dapat PUSO MO ang manguna.
Humayo ka kaibigan,tahakin ang iyong bagong kalaparan
Ipapanalangin kong mahanap mo tagumpay at kapayapaan.
Sa iyong pag-alis, malulungkot ako,
sapagkat bahagi ng puso ko ay dala-dala mo.
Subalit, huwag kang mag-alala kaibigan ko.
Ipinapangako ko,
Magkikita pa din tayo.
Balang araw, susundin ko din ang PUSO ko...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment